Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino

Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino

 

Ang institusyon ng NBSPI ay nakikiisa sa taonang selebrasyon ng Buwan ng WIka, bilang pagbibigay pugay sa kasaysayan ng pagkabuo ng Wikang Pambansang Filipino. Katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), bilang tagapangalaga ng Wikang Pambansa. Ang NBSPI ay patuloy na kumikilala sa Filipino bilang wikang pagkakakilanlan ng mga Pilipino at lahat ng mga katutubong wika sa ating bansa. Ang pagbabantayog ng wikang Filipino sa gitna ng pandemya ay tanda ng pagkakaisa at patutulungan nating mga Pilipino.

Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuón sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taón partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric” na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdámin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at ibá pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang-diin nitó ang Pilipinong Identidad at halagáhan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan.

Itó rin ay pakikiisa ng KWF sa UNESCO International Decade of Indigenous Languages (IDIL2022-2032) na nakaangkla sa Deklarasyon ng Los Pinos (Los Pinos Declaration) na nagtataguyod ng karapatan ng Mámamayáng Katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanán gámit ang katutubong wika bílang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buháy ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho.

Mahigpit ding itinatagubilin ang paggamit ng katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, midya, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan. Isinasaalang-alang din ang potensiyal ng teknolohiyang dihital sa pagtataguyod at preserbasyon ng mga nabanggit na wika.

Mabuhay ang Wikang Pambansa! Mabuhay ang malayang Filipino!

Para sa mga karadgadang impormasyon kaugnay sa selebrasyon ng Buwan ng Wika maaring buksan ang link: https://kwf.gov.ph/filipino-at-mga-katutubong-wika-sa-dekolonisasyon-ng-pag-iisip-ng-mga-pilipino/

Leave a Reply